Muling sasabak sa professional golf si Tiger Woods matapos ang mahigit dalawang taong pahinga, sa kanyang nakatakdang pagbabalik sa Hero World Challenge sa susunod na buwan.
Kabilang ang 50-anyos na si Woods sa mga kumpirmadong kalahok sa torneo na gaganapin sa Albany, Bahamas, mula Disyembre 3 hanggang 6.
Ito ang kanyang unang paglahok sa isang opisyal na PGA Tour event mula noong Hulyo 2024.
Matatandaang ilang injury at problema sa batas ang hinarap ng 15-time major champion, kabilang ang pagkakasangkot sa isang rollover car crash sa Florida noong Marso na nagresulta sa pagkakasuspinde ng kanyang driver’s license sa loob ng limang taon.
Bagama’t walang nakitang ebidensiya na nakainom siya ng alak, napag-alamang tila impaired siya sa pagmamaneho. Nakitaan din siya ng dalawang tableta ng hydrocodone, isang uri ng opioid painkiller, at kinasuhan dahil sa DUI at pagtangging sumailalim sa legal na pagsusuri.
Kasunod ng insidente, nagpahayag si Woods na pansamantala muna siyang lalayo sa golf upang magpagamot at bigyang-pansin ang kanyang kalusugan.
Huli siyang nagkampeon sa Zozo Championship sa Japan noong 2019.






