Nagsagawa ng pag-atake ang Iran laban sa mga drone at missile installation ng Estados Unidos sa Kuwait matapos bombahin ng US ang Qeshm Island sa Strait of Hormuz.
Ayon sa Iranian Army, kabilang sa mga target ng kanilang pag-atake ang mga pasilidad ng US sa Ali Al Salem Air Base sa Kuwait, kasabay ng ulat ng Kuwait na kumikilos ang kanilang air defense systems upang harangin ang mga pag-atake ng mga drone.
Nauna rito, nagsagawa ng airstrike ang mga fighter jet ng Estados Unidos nitong Martes ng gabi laban sa isang missile launch site sa Qeshm Island. Ayon sa isang opisyal ng militar ng US, ginawa ito bilang pagganti sa mga naunang pag-atake ng Iran laban sa mga tauhan at pasilidad ng Amerika.
Samantala, kinumpirma rin ng Bahrain na muli nilang naharang ang mga aerial attack ng Iran nitong Miyerkules. Ito na ang ikatlong pagkakataon sa loob ng isang linggo na nakapagtala sila ng naturang pag-atake.





