Muling nagpatupad ng taas-singil sa kuryente ang Isabela Electric Cooperative I (ISELCO I) ngayong Nobyembre, kung saan umabot sa ₱12.9670 kada kilowatt-hour ang power rate para sa mga residential consumer.
Batay sa inilabas na power rate update ng kooperatiba, nasa ₱12.0917 kada kilowatt-hour naman ang singil para sa low voltage consumers, habang ₱10.6300 naman para sa high voltage consumers.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay April Joyce Agsunod, Cooperative Communication and Social Marketing Office Supervisor ng ISELCO I, sinabi nitong pangunahing dahilan ng pagtaas ng singil ang pagmahal ng generation costs mula sa kanilang mga power supplier at Wholesale Electricity Spot Market o WESM.
Paliwanag ni Agsunod, nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng kuryente sa spot market dahil sa mas limitadong suplay ng kuryente sa merkado.
Nakaapekto rin sa kabuuang singil ang pagtaas ng transmission charges, partikular ang Power Delivery Service charges, gayundin ang system loss rate.
Samantala, nakatakda ring ipatupad ng ISELCO I sa darating na Disyembre ang mas mahigpit na pagpapatupad ng on-time payment policy upang makatulong sa pagtugon sa pinansyal na problema ng kooperatiba.
Inaasahang makatutulong ang hakbang upang mapabuti ang koleksiyon ng kooperatiba at matiyak ang sapat na pondong magagamit sa patuloy nitong operasyon.
Sa kabila nito, nananatili ang mga hakbang ng regulatory agencies upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng kuryente sa mga konsyumer, kabilang ang paniningil lamang ng 90% ng October 2026 WESM bill para sa kasalukuyang billing period.








