--Ads--

Posibleng agad nang ibasura ng Commission on Elections o Comelec ang aplikasyon para sa accreditation ng nasa 10 party-list groups na naghahangad na makalahok sa 2028 national at local elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, maaari nang paunang suriin ng komisyon kung kumpleto at sapat ang mga dokumentong isinumite ng mga grupo nang hindi na muna nagsasagawa ng hearing.

Ipinaliwanag ni Garcia na layunin nitong maiwasan ang pagdami ng mga party-list groups na hindi naman kuwalipikadong mabigyan ng accreditation.

Nilinaw naman niya na maaari pa ring magsumite muli ng aplikasyon ang mga grupong maibabasura ang kanilang unang kahilingan.

--Ads--

Nakatakdang magtapos sa Disyembre 18 ang deadline ng pagpaparehistro ng mga party-list groups, political parties at coalitions para sa 2028 elections.

Sa kasalukuyan, nasa 143 party-list groups ang kinikilala ng Comelec matapos alisin sa listahan ang 50 grupo dahil sa hindi paglahok o pagkabigong manalo ng puwesto sa nakaraang dalawang halalan.