Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na napag-usapan nila ni Chinese Foreign Minister Wang Yi ang mga hakbang upang maibsan ang tensyon sa West Philippine Sea sa kanilang pagkikita sa APEC gala dinner sa Shenzhen, China.
Sa panayam sa Philippine media delegation bago ang kaniyang pagbabalik sa bansa, sinabi ni Marcos na naniniwala siyang interesado rin ang China na maisapinal ang Code of Conduct sa South China Sea.
Inaasahan sana ng Pilipinas na matatapos ang naturang kasunduan sa panahon ng panunungkulan nito bilang chair ng ASEAN ngayong taon, ngunit nabigo ang mga bansa na makabuo ng pinal na kasunduan.
Ayon sa Pangulo, mahalaga ang kooperasyon ng Beijing upang magkaroon ng progreso sa usapin, at ipinakita naman umano ng China ang suporta nito sa mga pagsisikap na maisulong ang kasunduan.
Hindi naman nakapulong ni Marcos si Chinese President Xi Jinping dahil sa siksik na iskedyul ng mga aktibidad. Gayunman, positibo ang naging pagtingin ng Pangulo sa pagtanggap ng China sa delegasyon ng Pilipinas sa kabila ng mga umiiral na hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.
Samantala, kabilang din sa naging layunin ng pagbisita ni Marcos sa China ang paghikayat sa mga foreign investors na magpasok ng negosyo sa Pilipinas upang makalikha ng karagdagang trabaho.
Bago lisanin ang Shenzhen, nakipagpulong ang Pangulo sa mga executive ng ilang Chinese companies, kabilang ang isang kilalang manufacturer ng mga sasakyang gumagamit ng bagong energy technology at isang kompanyang nasa offshore wind energy industry.
Ayon kay Marcos, nananatiling interesado ang mga dayuhang kompanya sa Pilipinas habang pinatitibay ng bansa ang posisyon nito bilang mahalagang trading at investment hub sa Asia-Pacific region.
Inihayag din ng Pangulo na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad na magamit ang Pilipinas bilang launch site ng SpaceX, ang kompanya ng bilyonaryong si Elon Musk.
Nilinaw niyang hindi naman layunin ng bansa na magkaroon ng sariling space agency o magpadala ng mga misyon sa buwan at Mars. Sa halip, nais nitong makibahagi sa lumalaking industriya ng commercial space launches.
Maaaring maging bentahe ng Pilipinas ang lokasyon nito at ang pagiging malapit sa Pacific Ocean bilang posibleng lugar para sa pagpapalipad ng mga rocket at spacecraft.
Samantala, nagpahayag din ng pagtataka si Marcos sa mga protestang inilulunsad laban sa panukalang Pax Silica initiative ng United States. Giit niya, wala pang pinal na kasunduan at wala pang nilalagdaang partikular na probisyon kaugnay nito.
Pinaalalahanan din ng Pangulo ang publiko na hindi nakapaloob sa naturang inisyatiba ang pagtatayo ng mga data center sa bansa at itinanggi ang mga pangambang magdudulot ito ng pinsala sa kalikasan.
Ayon kay Marcos, nakatuon ang Pax Silica sa pagpapalawak ng teknolohiya at artificial intelligence (AI), at magsisilbi itong pagkakataon para makibahagi ang Pilipinas sa paghubog ng pandaigdigang industriya ng AI.
Ito ang ilan sa mga naging pahayag ng Pangulo sa panayam ng Philippine media matapos ang kaniyang pagdalo sa 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting sa China.











