--Ads--

Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga naging resulta ng kanyang paglahok sa 33rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China, kabilang ang mga bagong investment commitments, pagpapalawak ng kalakalan at paglikha ng trabaho para sa mga Pilipino.

Sa kanyang arrival statement, sinabi ng Pangulo na layunin niyang isulong ang bukas na merkado, ligtas na supply chains at paglago ng ekonomiya sa gitna ng pagtaas ng presyo at kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang merkado.

Sa pulong, itinaguyod ni Marcos ang patas at bukas na sistema ng kalakalan. Hinimok din niya ang mga kasaping ekonomiya na kilalanin ang mga kwalipikasyong pang-edukasyon at propesyonal ng bawat isa upang mas mapadali ang pagtatrabaho ng mga Pilipinong propesyonal sa rehiyon.

Binigyang-diin din niya ang pangangalaga sa karagatan alinsunod sa international law at UNCLOS, gayundin ang paglikha ng trabaho at oportunidad para sa mga negosyo at manggagawa, partikular sa care economy.

--Ads--

Sa sidelines ng summit, nakipagpulong ang Pangulo sa mga lider mula sa Chile, Peru, Mexico at iba pang bansa upang palakasin ang ugnayang pangkalakalan at pamumuhunan.

Nilagdaan din ng Pilipinas at Chile ang Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA), ang kauna-unahang bilateral free trade agreement ng bansa sa Latin America na inaasahang magbubukas ng bagong merkado para sa mga produktong at serbisyong Pilipino.

Nakipag-usap din si Marcos sa ilang malalaking kompanya, kabilang ang C&U Group, BYD at Mingyang Smart Energy Group, upang talakayin ang mga posibleng pamumuhunan at pagpapalawak ng kanilang operasyon sa Pilipinas.

Ayon sa Pangulo, umabot sa US$41.1 bilyon ang investment commitments na nakuha sa kanyang pagbisita, na may potensyal na makalikha ng mahigit 7,000 trabaho para sa mga Pilipino.