--Ads--

Hindi makikibahagi ang National Public Transport Coalition (NPTC) sa dalawang araw na transport strike na ikakasa ng grupong MANIBELA sa Nobyembre 23 at 24, 2026.

Isasagawa ang tigil-pasada bilang pagtutol sa umano’y pagtanggal o paglilipat kay Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Markuz Lacanilao sa ibang ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay MANIBELA Chairman Mar Valbuena, magsasagawa sila ng kilos-protesta sa harap ng LTO Central Office kasama ang mga jeepney driver, TNVS operators, motorcycle taxi riders, truck drivers at UV Express operators.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, convenor ng NPTC, sinabi nitong bagama’t pareho sila ng MANIBELA ng mga hinaing sa pamahalaan, hindi muna sila makikilahok sa tigil-pasada.

--Ads--

Positibo umano ang kanilang pagtatasa sa trabaho ni Lacanilao dahil naaksyunan na sa ilalim ng pamumuno nito ang ilang problemang inihahain ng sektor ng pampublikong transportasyon.

Bagama’t hindi sasama sa welga, naipadala na umano ng NPTC ang kanilang liham sa pamahalaan upang ipahayag ang suporta kay Lacanilao at pagtutol sa posibleng pagpapalit sa kaniya.

Nanawagan naman si Lim sa pamahalaan na maging maingat sa paglilipat ng mga opisyal na maayos na ginagampanan ang kanilang tungkulin.