--Ads--

Mariing itinanggi ng Office of the Vice President (OVP) ang anumang ugnayan ng programang “Pagbabago: A Million Trees Campaign” nito sa pagtupad ng Cale88 Foods Corporation sa tree-planting requirement ng Board of Investments (BOI).

Sa inilabas na pahayag, sinabi ng OVP na walang katotohanan ang mga alegasyong nag-uugnay sa pakikilahok ni Vice President Sara Duterte sa mga environmental initiative ng tanggapan at sa pagsunod ng Cale88 sa mga rekisito ng BOI.

Ayon sa OVP, mapanlinlang at walang factual basis ang anumang pagtatangkang iugnay ang naturang tree-planting campaign sa compliance ng kumpanya.

Nilinaw din ng tanggapan na isang independent environmental initiative ang “Pagbabago: A Million Trees Campaign,” na inilunsad noong Marso 27, 2023 bilang suporta sa mga programa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para mabawasan ang carbon emissions at matugunan ang climate change.

--Ads--

Sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sektor, umabot na umano sa 1,386,682 puno ang naitanim sa iba’t ibang panig ng bansa sa ilalim ng naturang kampanya.

Dagdag pa ng OVP, magpapatuloy ito sa pagtupad sa mandato nitong maghatid ng mahusay, madaling ma-access at tumutugong serbisyo publiko sa kabila ng mga alegasyon at usaping politikal.