Pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang paggamit ng solar pumps at iba pang alternatibong mapagkukunan ng tubig upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka sa irigasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LDRRM Officer Julius Agustin, sinabi nitong may mga magsasaka nang nakapagtanim na nangangailangan ng karagdagang suplay ng tubig upang hindi maapektuhan ang kanilang mga pananim.
Kabilang sa mga posibleng solusyon ang paggamit ng solar pumps at water impounding projects, partikular sa mga sakahang may malapit na mapagkukunan ng tubig.
Ayon kay Agustin, handa ang kanilang tanggapan na magbigay ng tulong sa mga magsasaka, subalit limitado ang mapagkukunan ng tubig sa ilang lugar dahil halos wala nang nakukuha sa mga deep well.
Hindi pa rin matukoy sa ngayon kung ilang magsasaka ang makikinabang sa planong solar pump assistance at kung kailan ito maipatutupad.
Umaasa naman ang lokal na pamahalaan na magtuloy-tuloy ang pag-ulan upang makatulong sa suplay ng tubig para sa mga sakahan.










