Ipinaliwanag ni Isabela Governor Rodito Albano III na sa pamamagitan ng deklarasyon ng State of Calamity ay mas mapapabilis ang mga hakbang ng pamahalaan sa paghahanda, pagtugon at rehabilitasyon, gayundin ang pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga magsasaka at komunidad na maaapektuhan ng tagtuyot.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi nitong maaari ring paikliin ang bisa ng deklarasyon kung hindi na magtatagal ang epekto ng Super El Niño.
Matatandaang isinailalim sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Isabela sa loob ng isang taon dahil sa malawakang pinsalang dulot ng tagtuyot na kaugnay ng El Niño sa sektor ng agrikultura.
Batay sa datos ng Department of Agriculture, umabot sa ₱2.88 bilyon ang pagkalugi sa agrikultura na nakaapekto sa tinatayang 125,000 ektarya ng mga sakahan.
Pinakamalaki ang pinsala sa sektor ng mais na umabot sa ₱2.33 bilyon, habang ₱506.2 milyon naman ang naitalang pagkalugi sa palay at ₱35.7 milyon sa iba pang high-value crops.
Tinatayang 2,511 mangingisda sa mga lugar na bulnerable sa tagtuyot ang maaari ring maapektuhan dahil sa posibleng kakulangan sa suplay ng tubig.
Dagdag pa ng gobernador, magsisilbing daan ang deklarasyon upang makapagsagawa ang lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ng case-to-case assessment para matukoy ang pangangailangan ng bawat apektadong sektor, makabuo ng angkop na hakbang at masubaybayan ang suplay ng mga agricultural products.
Magsisilbi rin aniyang batayan ang mga makakalap na datos sa paglalaan ng angkop na programa at tulong, gayundin sa mas maayos at wastong paggamit ng calamity fund.





