--Ads--

Nagsilbing oportunidad para sa Isabela State University (ISU) ang paglahok nito sa Philippine Summit upang maipakilala ang kanilang mga teknolohiya at pananaliksik na maaaring makatulong sa pagtugon sa iba’t ibang pangangailangan ng komunidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Katherine Alejandro, University Director for Special and Economic Zone Institute ng Isabela State University, sinabi nitong malaking oportunidad para sa unibersidad ang naturang summit dahil nabibigyan sila ng pagkakataong maipakita ang kanilang mga teknolohiya at pananaliksik.

Ayon kay Alejandro, nais nilang maipakita na hindi lamang nakatuon sa akademikong diskusyon at pagtuturo ang unibersidad, kundi aktibo rin itong katuwang sa pagpapalawak ng teknolohiya, pananaliksik at inobasyong may praktikal na aplikasyon sa lipunan.

Dagdag pa niya, nagiging daan din ang summit upang makakilala sila ng mga posibleng katuwang at collaborator na makatutulong sa pagpapalawak at pagsasakatuparan ng kanilang mga teknolohiya at research initiatives.

--Ads--

Kabilang din sa mga inisyatibang nais nilang maisulong ang Knowledge, Education, Innovation, Science and Technology (KEIST), na nagbibigay-diin sa papel ng kaalaman, edukasyon, inobasyon, agham at teknolohiya sa pagpapaunlad ng iba’t ibang sektor.