Nalulugi umano ang ilang nagtitinda ng manok sa lungsod ng Cauayan dahil sa pagkamatay ng ilan sa kanilang mga paninda bago pa man maibenta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Simplicio Viloria, nagtitinda ng mga manok sa lungsod, sinabi nitong hindi nila tiyak kung ilan sa mga manok na kanilang binibili ang maibebenta at ilan ang mamamatay bago pa mapakinabangan.
Ayon kay Viloria, may mga manok na nanggagaling sa Bulacan na dumarating sa kanilang puwesto na may pilay o pinsala, habang ang ilan naman ay namamatay kinabukasan matapos maideliver.
Dahil dito, napipilitan silang itapon ang mga namatay na manok na hindi na mapapakinabangan, na nagiging sanhi ng pagkalugi sa kanilang puhunan.
Pinaghihinalaan nilang maaaring may kinalaman sa pagkamatay ng mga manok ang lagay ng panahon at ang mga pinsalang natatamo ng mga ito sa mahabang biyahe bago makarating sa Cauayan City.
Gayunman, patuloy pa rin silang nagtitinda dahil may mga pagkakataong nakakakuha naman sila ng kita. Subalit kapag marami ang namamatay na manok, nahihirapan silang mabawi ang kanilang puhunan.
Nananatiling hamon sa mga nagtitinda ang pagpapanatili ng kita at pag-iwas sa pagkalugi, lalo na kapag hindi na naibebenta ang ilan sa kanilang mga paninda.











