--Ads--

Nagpapatuloy ang pamamahagi ng ayuda o Emergency Cash Transfer ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño sa lalawigan ng Cagayan, kasunod ng pagsasailalim dito sa state of calamity.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi nitong nasa 33,072 rice farmers ang inaasahang makatatanggap ng tulong mula sa inilaang pondong nagkakahalaga ng ₱173,688,028.

Katumbas ito ng ₱5,250 na cash assistance para sa bawat kwalipikadong benepisyaryo.

Inaasahang matatapos ang pamamahagi ng ayuda sa lalawigan ng Cagayan sa Nobyembre 30. Gayunman, tiniyak ni Alan na babalikan nila ang mga benepisyaryong hindi nakapunta sa itinakdang payout venue upang matanggap pa rin ang kanilang tulong.

--Ads--

Paliwanag niya, kabilang sa mga batayan sa pagpili ng benepisyaryo ang pagkakaroon ng rehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at ang pagkakaroon ng pinsala sa kanilang mga pananim dulot ng tagtuyot.

Ayon pa kay Alan, nagmumula sa mga lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office, ang listahan ng mga benepisyaryo.

Sumasailalim din ang mga pangalan sa deduplication process upang matiyak na walang madodobleng benepisyaryo sa pagtanggap ng cash assistance.