Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa posibleng malakas na pag-ulan sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela hanggang bukas ng hapon, Nobyembre 23, dahil sa umiiral na Shear Line.
Sa ilalim ng Weather Advisory No. 15 na inilabas alas-5:00 ngayong hapon, inaasahang aabot sa 50 hanggang 100 millimeters ang dami ng ulan sa dalawang lalawigan.
Posible pang maging mas mataas ang naitatalang pag-ulan sa mga bulubundukin at matataas na lugar, lalo’t maaaring lumala ang epekto nito dahil sa mga naunang pag-ulan.
Dahil dito, pinayuhan ng PAGASA ang mga kinauukulang disaster risk reduction and management offices na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian ng publiko.
Maaari ring maglabas ang PAGASA ng Heavy Rainfall Warning at Thunderstorm Advisory depende sa lagay ng panahon sa mga apektadong lugar.
Inaasahang maglalabas muli ng weather advisory ang ahensya ngayong alas-11:00 ng gabi kung walang malaking pagbabago sa kondisyon ng panahon.











