Nagbabala si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa posibilidad na magamit ang educational exchanges at academic partnerships sa pagitan ng Pilipinas at China para makakuha ng impormasyon at magkaroon ng foothold sa bansa.
Sa isang media forum nitong weekend, sinabi ni Teodoro na nakatanggap ang pamahalaan ng impormasyon hinggil sa posibleng paggamit ng educational exchanges sa pangangalap ng impormasyon sa Pilipinas.
Nilinaw naman ng kalihim na tinutukoy niya ang mga impormasyong natanggap ng pamahalaan at hindi nangangahulugang may napatunayang paglabag sa batas o maling gawain.
Ayon kay Teodoro, dapat tingnan ang isyu sa mas malawak na konteksto ng sistemang pampulitika at pang-edukasyon ng China na kontrolado at pinangangasiwaan ng estado.
Binanggit din niya ang national security law ng China na aniya ay nagtatakda ng mga obligasyon sa mga mamamayan at institusyon ng bansa na maaaring makaapekto sa kanilang ugnayan sa estado.
Sinabi ni Teodoro na bahagi ito ng mas malawak na information environment kung saan maaaring subukan ng mga dayuhang aktor na impluwensyahan ang pananaw at naratibo ng publiko.
Gayunman, nagbabala rin ang kalihim laban sa diskriminasyon dahil sa mga naturang pangamba.
Giit niya, hindi dapat humantong sa xenophobia o bigotry ang mga alalahanin kaugnay ng impluwensiya ng China sa bansa.











