--Ads--

Inilabas ng Office of the Ombudsman ang kautusan na nagsususpinde kay Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Ranada Aplasca sa pamamagitan ng preventive suspension, na agad nang epektibo.

Sa ilalim ng naturang kautusan, si Aplasca ay sinuspinde nang walang sahod sa loob ng anim (6) na buwan, o hanggang sa matapos ang administratibong pagdinig kaugnay ng kanyang kaso.

Ayon sa Ombudsman, kinakailangan ang hakbang na ito dahil maaaring makaapekto sa integridad ng imbestigasyon ang patuloy na pananatili ni Aplasca sa kanyang puwesto, kaugnay ng mga pangyayari sa gusali ng Senado noong Mayo 13, 2026.

Layunin ng preventive suspension na mapanatiling ligtas at hindi mabago ang mga dokumento at ebidensiyang nasa kanyang pangangalaga, at maiwasan ang anumang posibleng impluwensiya sa kaso.

--Ads--

Kasabay nito, naglabas din ang Ombudsman ng Subpoena Duces Tecum para sa CCTV footage mula sa ikalawang palapag at basement parking ng Senado, na sumasaklaw sa mga petsang Mayo 13 hanggang Mayo 14, 2026.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng insidente at kung mayroong pananagutang dapat panagutan si Aplasca.