Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangamba na maaaring magdulot ng destabilization ang insidente ng pamamaril sa Senado.
Ayon kay AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., inatasan niya ang mga sundalo sa buong bansa na manatiling kalmado, disiplinado, at propesyonal, at ituon lamang ang pansin sa kanilang tungkulin habang ang usaping pulitika ay dapat ipaubaya sa mga pulitiko.
Giit pa ni Brawner, walang dapat ikabahala dahil hindi hahantong sa anumang destabilisasyon ang naturang insidente, dahil nananatiling propesyonal ang hanay ng AFP.
Nilinaw rin ng AFP na ang mga Marines na nakita sa mga video sa loob ng Senado bago ang insidente ay bahagi ng kanilang regular na security duties.
Ayon pa sa AFP, ang Marine Security and Escort Group (MSEG) ay nakatalaga sa pagbabantay sa mga mahahalagang gusali ng gobyerno gaya ng Senado, Kongreso, Department of Foreign Affairs, at iba pang tanggapan.











