--Ads--

Mahigpit na minomonitor ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umano’y presensya ng isang barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy (PLA-N) at isang unmanned surface vessel (USV) na namataan sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea Ret. Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, nakikipag-ugnayan na ang militar sa iba pang maritime agencies upang beripikahin at matukoy ang eksaktong lokasyon at presensya ng naturang mga sasakyang pandagat.

Tiniyak ni Trinidad na wala pang naitalang banta sa kaligtasan ng publiko o sa pambansang seguridad, ngunit patuloy aniyang babantayan ng AFP ang sitwasyon bilang bahagi ng mandato nitong protektahan ang maritime interests ng bansa.

Kasunod ito ng nakuhang footage ng California-based firm na Seasats noong Hunyo 16 gamit ang Lightfish unmanned surface vessel nito na umano’y nakakuha ng imahe ng isang Chinese Type 052D guided-missile destroyer.

--Ads--

Batay sa ulat, ilang beses umanong nakatagpo ng USV ang mga barkong pandigma ng China, kabilang ang Type 052 at Type 055 destroyers at Type 056 corvette.

Kinumpirma rin umano ang pagiging tunay ng footage, pagkakakilanlan ng barko, at lokasyon nito gamit ang original file metadata at iba pang datos mula sa Seasats.