Magandang simula ang agarang pagko-convene ng Senado bilang impeachment court para sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa, sinabi niyang bagama’t nakasunod ang Senado sa salitang “forthwith” na nakasaad sa Konstitusyon, mas mainam kung maipagpapatuloy ito hanggang sa aktuwal na pagdinig ng kaso.
Aniya, sa pamamagitan ng paglilitis ay maririnig ang mga argumento at maihaharap ang mga ebidensya ng magkabilang panig upang matukoy kung guilty o hindi ang pangalawang pangulo sa mga paratang laban sa kaniya.
Ayon kay Atty. Cayosa, hindi dapat patagalin ang impeachment trial, alinsunod na rin sa itinatadhana ng Konstitusyon, lalo na’t mataas ang posisyong hawak ni VP Sara sa pamahalaan. Aniya, kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon laban sa kaniya, mahalagang agad siyang matanggal sa puwesto upang maiwasan ang posibleng karagdagang pinsala sa taumbayan. Ngunit kung mapapatunayang wala siyang kasalanan, makabubuti rin itong paraan upang agad na malinis ang kaniyang pangalan.
Dagdag pa niya, malaki ang papel ng publiko sa impeachment process dahil isinasaalang-alang din ng mga senator-judge ang pulso ng bayan batay sa mga inilalatag na ebidensya.
Samantala, kahit may ilang senador na hindi dumalo, kinakailangan pa rin ng 16 na boto upang ma-convict si VP Sara.











