Paghahandaan ng mga abogado ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJK) ang pagsusuri sa mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares, counsel for the victims and families of EJK, sinabi nitong magkakaroon din ng pagkakataon ang mga abogado ng mga biktima na magsagawa ng pagsusuri sa mga testigo bago ang cross-examination ng depensa.
Ayon kay Atty. Colmenares, maaaring kabilang sa mga testigo ang mga magbibigay ng konteksto sa mga pangyayari, mga insider at mga direktang nakasaksi sa krimen. Gayunman, nananatiling kumpidensiyal ang kanilang pagkakakilanlan at ang detalye ng kanilang mga testimonya.
Samantala, sinabi niyang anim na oras ang inilaan sa opening statement ng prosekusyon at tatlong oras naman para sa panig ng mga biktima.Tungkol naman sa posibilidad na hindi personal na dumalo si Duterte sa paglilitis dahil sa edad o kalusugan, ipinaliwanag ni Atty. Colmenares na maaari itong humiling ng exemption sa korte, ngunit nakasalalay sa ICC ang magiging desisyon.











