--Ads--

Posibleng magpatawag ng special session ang Malacañang ngayong linggo, na inaasahang magwawakas sa halos isang buwang agawan sa liderato ng Senado at magbubukas ng daan para sa pag-upo ni Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President.

Ayon sa mga informants, posibleng ianunsiyo ng Palasyo ngayong Lunes ang pagpatawag ng espesyal na sesyon sa Miyerkoles upang talakayin ang mga nakabinbing panukala at kumpirmasyon ng promosyon ng ilang opisyal ng militar.

Giit ng mga source, ang hakbang ay indikasyon na nakuha na ni Gatchalian ang sapat na suporta mula sa mga senador upang makuha ang liderato ng Mataas na Kapulungan.

Ayon pa sa isang informant, karaniwang senyales ng pinal na boto ang pagtawag ng special session, at kapag natuloy ito, posibleng matapos na ang laban para sa kasalukuyang Senate leadership at mapalitan ng bagong liderato.

--Ads--

Nauna nang sinabi ng Malacañang na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maresolba muna ng Senado ang kanilang internal na sigalot bago magpatawag ng espesyal na sesyon.

Samantala, muling umingay ang usapin ng special session matapos ihayag ni Senador Joel Villanueva na handa siyang dumalo kung muling ipapatawag ang Kongreso habang nasa break ang regular na sesyon.