Hindi papatawan ng sanctions o parusa ng Women’s Tennis Association (WTA) si Filipina tennis star Alex Eala matapos piliing katawanin ang Pilipinas sa Asian Games sa Japan sa halip na lumahok sa mandatoryong China Open.
Ayon kay Philippine Tennis Association executive director Tonette Mendoza sa pagdinig ng Senado, nakatulong ang pagtutol ng pamahalaan upang hindi matuloy ang posibleng multang 10,000 dolyar at iba pang parusa laban kay Eala.
Paliwanag ni Mendoza, mahalaga ang Asian Games sa hangarin ni Eala na makakuha ng puwesto sa 2028 Los Angeles Olympics. Nakipag-ugnayan din ang PhilTA sa International Tennis Federation upang ipagtanggol ang interes ng atleta.
Wala ring natanggap na pormal na abiso ang PhilTA mula sa WTA tungkol sa anumang parusa. Inaasahan namang magkakaroon ng bagong mga patakaran ang WTA sa susunod na taon upang higit na maprotektahan ang mga atletang pipiliing kumatawan sa kanilang bansa.
Matapos ang Asian Games, nakatakdang magbalik sa WTA action si Eala sa Wuhan Open sa China mula Oktubre 12 hanggang 18.











