Nagpaliwanag ang alkalde ng Alicia, Isabela kaugnay ng ilang reklamo matapos umanong iilan lamang ang nabigyan ng ayudang pamasko.
Inihayag ni Alicia Mayor Joel Amos Alejandro na ipinatupad ang Municipal ID bilang requirement upang matukoy kung sino ang aktuwal at aktibong residente ng Alicia, Isabela.
Aniya, batid niya na hindi lahat ng kasalukuyang nakatira sa bayan ay aktuwal na residente rito, dahil may ilan na lumipat na sa ibang bayan, nangibang-bansa, o pumanaw na.
Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng Municipal ID ay matitiyak na walang madodoble at mabibigyan nang patas ang lahat ng anumang ayuda mula sa lokal na pamahalaan, upang maiwasan ang mga reklamo.
Sa kaniyang pag-iikot upang mamahagi ng ayudang pamasko, tanging ang mga may Municipal ID lamang ang kaniyang nabigyan.
Ipinaliwanag ng alkalde na isa itong paraan upang mahikayat ang iba pang residente na kumuha ng kanilang Municipal ID.
Kapag nakakuha na ng ID, maaari nang magtungo ang mga residente sa tanggapan ng kanilang baranagay upang kunin ang kanilang ayuda.
Ayon sa Alkalde, nagkaroon ng pagbabago dahil sa halip na limang kilo ng bigas para sa isang pamilyang may tatlo hanggang limang miyembro, dalawang kilo na lamang ang ipinamamahagi para sa humigit-kumulang 50,000 residente.
Nilinaw naman niya na inisyal na ayuda lamang ito upang mapag-aralang mabuti at maplano ang mga susunod pang ayudang ipamamahagi para sa lahat.











