--Ads--

Mariing itinanggi ng may-ari ng sasakyan na ginamit ng mga suspek sa pagnanakaw sa Ramon Isabela na may nalalaman siya sa kinasasangkutang pagnanakaw ng mga ito.

Matatandaan nahuli na ng Pulisya ang mga itinuturing na suspek sa serye ng holdapan sa ilang bayan sa Isabela matapos ang operasyon sa Barangay Apanay Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Norbert, may-ari ng sasakyan sinabi niya na hiniram lamang ng mga suspek sa kanya ang nasabing sasakyan at binigyan siya ng pera bilang bayad upa.

Ang paalam sa kanya ay maghahakot lamang sila ng gamit sa kanilang boardinghouse at bibili ng pagkain nang sila ay mahuli ng pulisya.

--Ads--

Batay kasi sa initial investigation ng mga otoridad natukoy na ang mga suspek na sangkot sa serye ng holdapan at pagnanakaw ay pawang mga negosyante at nag ooperate ng isang beer house sa Santiago City.

Mariin namang itinanggi ni Norbert na alam niya ang gawain ng mga suspek at iginiit na kustomer lamang nila ang mga ito sa kanilang mga bayarang babae.

Umaasa naman siya na malilinis ang kanyang pangalan sa pagkakadawit sa kaso ng mga suspek at pinaalalahanan ang publiko na huwag agad manghusga kung hindi alam ang tunay na pangyayari.