--Ads--

Naharang ng DOTr-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ang isang ambulansya na hindi awtorisadong dumaan sa EDSA Busway, na natuklasang ginagamit bilang shuttle service.

Ayon sa DOTr-SAICT, naharang ang ambulansya nitong Huwebes, Pebrero 12, sa kasagsagan ng rush hour sa kahabaan ng Santolan Station ng EDSA Bus Carousel.

Sa inspeksyon, napag-alaman na puno ng mga upuan ang loob ng sasakyan, katulad ng mga ordinaryong shuttle o pampasaherong van, at wala itong karaniwang kagamitan para sa medical emergency gaya ng stretcher, oxygen tank, o iba pang first aid equipment.

Nang tanungin ng pinuno ng Special Operations Group (SOG) na si Rayson Dela Torre, inamin ng driver na ginagamit ang ambulansya bilang service vehicle para sa mga pasaherong magpapa-checkup sa ospital.

--Ads--

Inisyuhan naman ang driver ng Temporary Operator’s Permit (TOP) dahil sa paglabag sa Disregarding Traffic Sign (DTS) o illegal na pagdaan sa EDSA Busway, at kakulangan sa Official Receipt/Certificate of Registration (OR/CR).