Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na anim na katao ang inaresto sa isinagawang kilos-protesta sa Commonwealth Avenue sa Quezon City bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes.
Ayon kay Gen. Nartatez, pawang mga menor de edad ang mga inarestong indibidwal at nakasuot umano ng mga balaclava nang mahuli ng mga awtoridad.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay Quezon City Police District (QCPD) Director BGen. Randy Glenn Silvio, sinabi nitong inaresto ang mga naturang indibidwal dahil sa umano’y pagkakasangkot sa bandalismo.
Hindi naman agad nagbigay ng karagdagang detalye ang mga awtoridad hinggil sa lawak ng pinsalang idinulot ng naturang insidente.
Kasabay nito, nagbabala ang PNP sa mga grupo at indibidwal na magtatangkang magsagawa ng karahasan o iba pang iligal na aktibidad kaugnay ng taunang ulat sa bayan ng pangulo.
Pinaalalahanan din ng pulisya ang mga raliyista na panatilihin ang kaayusan at sumunod sa mga kondisyon ng kanilang permit habang nagsasagawa ng mga kilos-protesta.
Patuloy namang nakaalerto ang mga awtoridad upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng SONA at mga kaugnay na aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.











