
CAUAYAN CITY – Bumuo si Mayor Joel Amos Alejandro ng Alicia, Isabela ng Ad Hoc Committee para imbestigahan ang mga paratang na umanoy anomalya sa pagpili ng mga benepisaryo ng emergency shelter assistance para sa mga sinalanta ng bagyong Rosita sa Alicia, Isabela.
Ang committee ay pinamumunuan ni Engr. Felino Fabro at miyembro sina Municipal Administrator Roger Benitez, Officer-in-charge Gladys Ragasa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Human Resources head Manny Valla at ang staff ng Sangguniang Bayan na si Arthur Grospe.
Ang Ad hoc Fact Finding Committee ay maghahain ng narrative report kay Mayor Alejandro kung ano talaga ang nangyari sa pamamahagi ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Rosita .
Nagsimula na ang comittee sa pagpapatawag ng mga testigo at pagdinig sa mga sangkot sa isyu upang malaman ang kanilang panig.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Alejandro na hinihintay niya resulta ng imbestigasyon bago siya makapagbigay ng pahayag dahil ang nasabing ayuda ay mula sa pondo ng pamahalaang pambansa.
Matatandaang sa Del Pilar, Alicia, Isabela ay inireklamo ang nagbitiw na daycare worker na siyang naglista ng mga benepisaryo kabilang ang ilang kamag-anak na hindi residente ng nasabing barangay kundi mula sa Angadanan, Isabela.










