Natapos na ang negosasyon para sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA), ang kauna-unahang komprehensibong kasunduan sa digital economy sa rehiyon, na inaasahang pipirmahan sa Nobyembre ngayong taon.
Ayon sa Department of Trade and Industry – Bureau of International Trade Relations, naresolba na ang lahat ng natitirang isyu sa ikalawang pulong ng 57th ASEAN Senior Economic Officials Meeting (SEOM) na ginanap sa Maynila mula Mayo 27 hanggang 29.
Sinabi ni SEOM Chair Mary Sherylyn Aquia na itinuturing na mahalagang tagumpay para sa ASEAN ang pag-usad ng kasunduan, na layuning makabuo ng isang mas pinagsama, ligtas, at kompetitibong rehiyonal na digital na ekonomiya.
Inaasahang magkakaroon ng malaking ambag ang DEFA sa paglago ng digital economy sa ASEAN, na maaaring umabot sa tinatayang USD 1 trilyon pagsapit ng 2030, at posibleng lumago pa hanggang USD 2 trilyon kung maayos ang pagpapatupad ng kasunduan.
Saklaw ng framework ang digital trade, cross-border e-commerce, data governance at privacy, digital identity, electronic payments, cybersecurity cooperation, online safety, artificial intelligence, at digital talent mobility.
Layunin din ng kasunduan na bawasan ang mga hadlang sa cross-border digital trade, palakasin ang tiwala sa online transactions, at suportahan ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa rehiyon.Ayon sa mga opisyal ng ASEAN, mahalaga ang mabilis at epektibong implementasyon ng kasunduan upang mapakinabangan ng lahat ng miyembrong bansa ang mga benepisyo nito, kabilang ang mas mataas na pamumuhunan, inobasyon, at oportunidad sa digital economy.











