Mananatili sa kaniyang puwesto si Palace Press Officer Claire Castro sa kabila ng pagsusumite ng courtesy resignation ng mga tauhan ng Presidential Communications Office (PCO), ayon kay bagong PCO Secretary Lino Cayetano.
Ayon kay Cayetano, hindi rin niya hihilingin kay Castro na baguhin ang kaniyang matapang na paraan ng pagsagot sa mga kritiko ng administrasyon, dahil bahagi ito ng kaniyang personalidad at kalakasan sa pagpapaliwanag ng mga polisiya at hakbang ng pamahalaan.
Tinawag pa ni Cayetano na isang “treasure” si Castro, na hinahangaan umano niya sa husay nitong ipaliwanag sa publiko ang mga ginagawa ng administrasyon.
Kabilang naman sa mga plano ng bagong kalihim ang pagpapalakas ng presensya ng PCO sa mga komunidad upang mas maiparating ang impormasyon ng pamahalaan sa publiko.
Hinimok din ni Cayetano ang mga kritiko na patuloy na kuwestiyunin ang pamahalaan, dahil mahalaga aniya ang malayang debate sa demokrasya at sa pagpapabuti ng mga polisiya.











