--Ads--

Maglalaan ang Australia ng P413 milyong halaga ng tulong para sa Philippine Coast Guard (PCG) sa loob ng apat na taon upang mapalakas ang kakayahan nito sa maritime surveillance at maritime domain awareness.

Ayon sa Australian Embassy sa Maynila, inanunsyo ni Australian Foreign Minister Penny Wong ang bagong assistance package sa kanyang pagbisita sa Pilipinas.

Kabilang sa ipagkakaloob na kagamitan ang underwater drones, counter-drone systems, long-range drones, heavy-lift drones, at espesyal na pagsasanay para sa mga operator ng PCG.

Sinabi ng embahada na layunin ng programa na mapalakas ang strategic maritime domain awareness capabilities ng PCG upang mas epektibong mabantayan ang mga karagatan ng bansa.

--Ads--

Dahil sa bagong ayuda, umabot na sa P578 milyon ang kabuuang drone support na ibinigay ng Australia sa PCG mula noong Abril 2025. Kabilang sa naunang tulong ang 35 drones at operator training para sa mga tauhan ng ahensya.

Ayon kay Australian Ambassador Marc Innes-Brown, makikinabang sa naturang programa hindi lamang ang mga ahensyang nangangasiwa sa seguridad ng karagatan kundi maging ang milyun-milyong Pilipino na umaasa sa malaya at ligtas na paggamit ng mga karagatan para sa kanilang kabuhayan at kalakalan.

Dagdag pa nito, ginagamit na ng PCG sa kanilang mga operasyon ang mga drone na naunang ipinagkaloob ng Australia.