Halos mabutas ang noo ng isang manikurista sa Cebu City matapos umano siyang kagatin ng kanyang kapitbahay.
Sugatan at duguan ang noo ng manikuristang si Josephine ng matagpuan ito ng mga opisyal ng Barangay.
Ayon sa ulat, kinagat ng kanyang kapitbahay na si Abelina ang noo ng biktima matapos silang magkaroon ng mainitang komprontasyon dahil umano sa “chismis” na nauwi sa pisikalan.
Sa katunayan may bakas pa ng dugo ang bibig ng suspek ng dalhin siya sa isang presinto sa Inayawan, Cebu City.
Iginiit naman ng suspek na ginawa niya ang pangangagat bilang depensa sa sarili, matapos umano siyang pisikal na hawakan ng biktima.
Agad namang umawat ang mga kapitbahay, at kalaunan ay inaresto ang suspek.
Isinugod naman sa pagamutan ang biktima at kinailangang tahiin ang kanyang noo dahil sa lalim ng sugat.
Ayon sa barangay, matagal nang may alitan ang dalawa, at naitala na rin ang kaparehong insidente ng pangangagat ng suspek, kabilang ang isang kaso laban sa barangay tanod noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, wala umanong planong magsampa ng kaso ang biktima, ngunit hinihiling niyang sagutin ng suspek ang kanyang gastusing medikal at mangakong hindi na siya guguluhin pa.






