Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Ilocos Norte kaugnay ng pagkasawi ng isang 39-anyos na babae na isang tindera sa palengke na natagpuang patay sa loob ng kanyang tahanan, nakagapos, may busal sa bibig, at bahagyang walang saplot.
Natagpuan ang kanyang katawan sa sala ng bahay, at wala umanong palatandaan ng sapilitang pumasok ang hindi pa kilalang salarin.
Lumabas sa isinagawang postmortem examination na nagtamo ng mga pasa at sugat sa ulo ang biktima.
Nawawala rin ang ilang alahas at pera nito, ayon sa pulisya.Pinag-aaralan pa ng mga imbestigador kung ginahasa ang biktima.
Ang kanyang hipag ang nakadiskubre sa insidente matapos hindi ito makontak sa telepono. Mag-isa lamang na naninirahan ang biktima matapos silang maghiwalay ng asawa, habang hiwalay rin ang tirahan ng kanyang dalawang anak.
Sa ngayon, sinusuri na ng mga awtoridad ang CCTV footage sa barangay upang matukoy ang posibleng suspek.






