Pormal nang pinasinayaan ang bagong gusali ng City of Ilagan Police Station na magsisilbing pangunahing himpilan ng pulisya sa lungsod ng Ilagan, ngayong Miyerkules, Hunyo 3, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PBGen. Mariano C. Rodriguez, Regional Director ng Police Regional Office 2 (PRO-2), sinabi nito na malaking tulong ang bagong gusali upang higit na mapalakas ang serbisyo ng pulisya at mapabuti ang pagtugon sa mga insidente sa lungsod.
Matatagpuan ang bagong himpilan sa Barangay Alibagu, City of Ilagan, katabi ng Provincial Capitol Arena. Nagkakahalaga ito ng humigit-kumulang P25 milyon na pinondohan noong 2024 at natapos matapos ang ilang buwang konstruksyon.
Ayon sa mga opisyal, magsisilbi na lamang na substation ang dating himpilan ng pulisya malapit sa City Hall. Sa kasalukuyan ay mayroon nang pangunahing istasyon sa Alibagu at dalawang substations sa bahagi ng City Hall at Barangay Nulutan.
Samantala, sinabi ni PBGen. Rodriguez na pinag-aaralan na rin ng PRO-2 ang pagdaragdag ng mga police personnel sa Ilagan City upang matugunan ang pangangailangan ng lumalawak na operasyon ng pulisya sa lungsod. Nakatakda rin umanong magtayo ng isa pang substation sa bahagi ng San Antonio upang mas mailapit ang serbisyo ng kapulisan sa mga residente.
Nagpapasalamat naman si Mayor Jay Diaz sa bagong himpilan na makatutulong upang mapaigting ang kapayapaan at mapalakas ang ekonomiya sa lungsod.
Nagbigay naman ng dalawang patrol car ang LGU upang makatulong sa hanay ng pulisya.











