--Ads--

Isang bagong silang na sanggol ang nadiskubreng nakabaon sa isang bukid sa Bayambang, Pangasinan nitong Martes ng umaga.

Hindi binanggit ng pulisya ang eksaktong barangay, ngunit batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo sa kanyang taniman ng mais ang isang negosyante at napansin ang mga bakas ng dugo sa lugar.

Humingi siya ng tulong sa kanyang mga tauhan upang alamin kung saan nagmula ang dugo, subalit wala silang agad na nakita. Iniulat niya ito sa mga opisyal ng barangay at, kasama ang ilang residente, bumalik sila sa bukid kung saan napansin ang kahina-hinalang tambak ng damo.

Sa paghahalukay, tumambad ang isang itim na plastik na nakabaon sa lupa. Nang buksan ito, natagpuan ang isang bagong silang na sanggol na buhay pa ngunit nasa kritikal na kalagayan.

--Ads--

Isinugod ang sanggol sa Bayambang District Hospital ngunit nasawi rin habang ginagamot. Ayon sa doktor, cardiorespiratory arrest ang sanhi ng pagkamatay ng sanggol.

Sa follow-up investigation, natukoy ng pulisya ang pinaghihinalaang ina ng sanggol—isang 32-anyos na may-asawa at nagtatrabaho bilang lady guard na residente ng Bayambang. Inaresto ang suspek at haharap sa reklamong infanticide.