Nasa karagatan na ng Camiguin Island, Calayan, Cagayan ang sentro ng Tropical Storm Kiyapo nitong ala-1 ng hapon.
Ayon sa PAGASA, taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 kilometro bawat oras. Kumikilos ito pa-kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes, northern portion ng Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Santa Teresita, Camalaniugan, Aparri, Ballesteros, Abulug, Pamplona, Sanchez-Mira, Claveria, Santa Praxedes, Buguey, Allacapan, Lal-Lo, Gattaran, Baggao, Lasam) kabilang ang Babuyan Islands, northern portion ng Apayao (Luna, Santa Marcela, Calanasan, Pudtol, Flora), at northern portion ng Ilocos Norte (Pagudpud, Dumalneg, Adams, Bangui, Burgos, Vintar).
Nasa ilalim naman ng Signal No. 1 ang nalalabing bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, nalalabing bahagi ng Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union, at northern and central portions ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao)
Ayon pa sa PAGASA, posibleng tumama o dumaan nang malapit si Kiyapo sa Babuyan Islands sa loob ng susunod na anim na oras bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility bukas ng umaga.
Inaasahang magpapatuloy ang paglakas ng bagyo habang tumatawid sa Extreme Northern Luzon at maaari itong maitaas sa Severe Tropical Storm matapos ang pagtawid sa Babuyan Islands.
Samantala, nananatiling mapanganib ang paglalayag sa hilagang bahagi ng Luzon dahil sa maalong karagatan na maaaring umabot sa 5.5 metro, kaya pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na manatili muna sa pantalan.











