Humina na bilang Tropical Depression ang bagyong Maymay habang patuloy na nakaaapekto sa malaking bahagi ng Northern Luzon, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa bahagi ng Tanudan, Kalinga. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso ng hanggang 90 kilometro kada oras.
Mabagal na kumikilos pa-timog-silangan ang Tropical Depression Maymay, habang umaabot hanggang 180 kilometro mula sa sentro nito ang malalakas na hangin.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa southern portion ng Babuyan Islands (Calayan Is., Dalupiri Is, Fuga Is., Camiguin Is.), Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, northwestern portion ng Pangasinan (Bolinao, Anda, Bani), Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, mainland Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya at northern and central portions ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao).
Nagbabala ang PAGASA na patuloy na posible ang malalakas na ulan at bugso ng hangin dahil sa epekto ng bagyo at habagat.
Samantala, umiiral ang gale warning sa kanlurang bahagi ng Northern Luzon dahil sa mapanganib na kondisyon ng karagatan. Pinapayuhan ang mga maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang paghina ng Maymay habang tinatahak nito ang kabundukan ng Northern Luzon at maaari itong maging remnant low ngayong hapon o gabi.











