Nagbabala ang Bahrain sa posibleng banta sa seguridad at hinimok ang mga residente na magtungo sa ligtas na lugar kasunod ng pahayag ng Iran na naglunsad ito ng drone attack laban sa isang pasilidad militar ng Estados Unidos nitong Linggo, Nobyembre 15.
Ayon sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran, anim na drone ang ipinadala upang puntiryahin ang US air defense radar sa Riffa Air Base sa Bahrain. Iginiit ng grupo na matagumpay na natamaan ang target, bagama’t wala pang independiyenteng kumpirmasyon hinggil sa lawak ng pinsala o posibleng nasawi.
Samantala, naglabas ng security alert ang Bahrain Interior Ministry at pinayuhan ang publiko na manatiling kalmado at agad na magtungo sa mga ligtas na lugar.
Matatandaang noong Nobyembre 13, nag-claim din ang Iran na winasak nito ang isang US early-warning radar sa Bahrain, ngunit itinanggi ito ng US Central Command (CENTCOM), na nagsabing dalawang Iranian drone ang kanilang na-intercept.
Dito nakabase ang US Navy’s Fifth Fleet, na nangangasiwa sa mga operasyong pandagat ng Amerika sa malaking bahagi ng Middle East, sa gitna ng patuloy na tumitinding tensyon sa pagitan ng Washington at Tehran.











