Lima ang nasawi matapos magsagawa ng pag-atake ang militar ng United States sa isang bangkang hinihinalang ginagamit sa ilegal na kalakalan ng droga sa silangang bahagi ng Pacific Ocean.
Ayon sa US Southern Command (SOUTHCOM), isinagawa ang operasyon laban sa isang mabilis na bangkang bumibiyahe sa mga rutang umano’y ginagamit sa pagpupuslit ng droga.
Sinabi ng SOUTHCOM na batay sa nakalap nilang intelligence, sangkot umano sa drug trafficking ang sasakyang pandagat.
Dahil sa naturang insidente, umabot na sa hindi bababa sa 243 ang bilang ng mga nasawi sa mga naiulat na pag-atake ng administrasyon ni US President Donald Trump laban sa mga hinihinalang bangkang sangkot sa droga sa Caribbean at silangang Pacific mula nang simulan ang kampanya noong Setyembre 2025, batay sa tracker ng Washington Office on Latin America (WOLA).
Gayunman, kinukuwestiyon ng mga eksperto sa batas at mga human rights group ang legalidad ng mga naturang pag-atake. Ilan sa mga kaanak ng mga nasawi sa mga naunang operasyon ang nagsabing mangingisda o manggagawa ang kanilang mga mahal sa buhay at hindi sangkot sa ilegal na droga.
Ayon naman sa mga legal expert, hindi awtomatikong nagbibigay ng batayan para sa pag-atakeng militar ang pagkakasangkot umano sa drug trafficking.











