--Ads--

Arestado ang isang barangay kagawad sa Cauayan City matapos isilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest kaugnay ng kasong grave coersion.

Ang naaresto ay itinago sa alyas na “Mel,” 41 taong gulang, may asawa, barangay kagawad, at residente ng Cauayan City.

Batay sa ulat ng Cauayan City Police Station, isinagawa ang pag-aresto bandang 6:25 ng gabi noong Hunyo 29 sa Barangay District 3, Cauayan City.

Ang warrant of arrest ay inilabas ng Municipal Trial Court ng Cauayan City kaugnay ng kasong grave coercion. Nagtakda ang korte ng ₱36,000 na piyansa para sa pansamantala nitong kalayaan.

--Ads--

Matatandaang noong Pebrero ng kaparehong taon ay naging sentro ng kontrobersiya ang naturang barangay kagawad matapos umanong sapilitang posasan ang isang residente na biktima umano ng kaniyang pambubugbog.

Ayon sa mga alegasyon, dinala umano ang biktima sa barangay hall kung saan siya binugbog at pinilit na uminom ng putting tableta.

Pinatunayan naman ito ng mga barangay tanod na humarap sa isinagawang public hearing. Bukod dito, may isa pang indibidwal na lumutang bilang biktima at nagsumite ng video footage na nagsisilbing ebidensya. Sa naturang video, maririnig umano ang paghingi ng saklolo ng biktima habang sinasabing binubugbog ng barangay kagawad.

Ang nasabing opisyal ay nauna na ring napaulat na nagpositibo umano sa paggamit ng ilegal na droga at kabilang sa mga sumuko noon sa ilalim ng kampanya laban sa ilegal na droga.

Sinubukan ng Bombo News Team na kunan ng pahayag ang barangay kagawad kaugnay ng kanyang pagkakaaresto, subalit tumanggi itong magsalita.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na siya ng Cauayan City Police Station habang isinasagawa ang mga kaukulang proseso bago iharap sa korte.

Paalala na ang lahat ng mga alegasyong inihain laban sa kanya ay pawang mga paratang pa lamang at mananatili siyang inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa korte.