
CAUAYAN CITY – Dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang ilang residente ng barangay Dicaraoyan, Echague, Isabela dahil hindi sila kabilang sa listahan ng mga nabigyan ng emergency shelter assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayong nagtamo ng pinsala ang kanilang mga bahay sa pagtama ng bagyong Rosita noong 2018.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isang residente ng Brgy Dicaraoyan na ayaw magpabanggit ng pangalan, sinabi niya na gusto nilang maliwanagan sa nangyaring pamamahagi ng ayuda dahil may mga nakita silang iregularidad.
May mga nabigyan umano ng ayuda na wala pang bahay noong nangyari ang bagyo at nabigyan din ang mga hindi naman nasiraan ng bahay gayong ang mga nasiraan na tulad niya ay hindi kasama sa nabigyan ng tulong pananalapi.
Nagtataka sila kung bakit may nabigyan na kulungan lamang ng baboy ang nasira at nabigyan pa umano ang isang anak ng kanilang barangay kapitan.
Nasiraan din ng bahay ang isa sa kanyang kasama na nagrereklamo at binaha pa ito dahil malapit sa ilog ang kanilang bahay ngunit wala siyang natanggap.
Sinabi pa ng Ginang na sa kanyang pagdulog sa DSWD ay sinabi sa kanila na kapag wala silang pangalan sa listahan ay hindi talaga sila makakatanggap.
Nang tinanong niya kung bakit may mga nakakuha na hindi naman nasiraan ay sinabi na ang mga opisyal ng barangay ang dapat na sumagot.
Ayon pa sa kanya, nakausap na nila si barangay Kapitan Felix Taruma at sinabi na naawa siya sa mga nabigyan at hindi na niya naalala pa ang ibang nasiraan.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Taruma, sinabi niya na totoong may isinama siyang walang bahay at hindi nasiraan.
Aniya lima lamang ang talagang nasiraan ng bahay sa kanilang barangay ngunit nagpa-submit ang DSWD sa kanila ng kahit walang pinsala.
Aniya, tatlumpot lima ang nakatanggap na mamamayan sa kanilang barangay.
Hindi naman itinanggi ni Kapitan Taruma na may nabigyan na wala pang bahay noong nangyari ang bagyo ngunit iginiit niya na mahirap ang buhay ng mga ito kaya marapat lamang na sila ay mabigyan ng ayuda.
Ang iginigiit aniya ng kanyang mga kabarangay na nagrereklamo ay paghati-hatian na lamang ang perang naibigay sa mga benepisaryo ngunit hindi maaari dahil hindi na mababawi ang perang naibigay sa kanila.
Bukod dito ay mahirap din talaga ang mga ito at mga 4Ps beneficiary pa ang karamihan.
Dagdag pa ni Kapitan Taruma na hindi naman nasiraan ang mga kabarangay niyang nagrereklamo.










