--Ads--

100% boosted ang morale ngayon ng Isabela State University – Jones Campus matapos maitala ang kauna-unahan nitong topnotcher sa Licensure Examination for Teachers (LET) sa katauhan ng Rank 7 na si Jane Ruth Fernandez.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Roxan Bayan, Dean ng College of Education ng ISU-Jones Campus, sinabi niyang itinuturing nila ito bilang isang “answered prayer” dahil matagal na nilang inaasam ang ganitong tagumpay.

Aniya, taon-taon nilang hinihikayat ang mga estudyante na hindi lamang pumasa sa LET kundi maabot din ang pagiging topnotcher at mapanatili ang mataas na passing rate. Sa mga nakalipas na taon, maganda na ang naging resulta ng kanilang mga LET takers, ngunit sa pagkakataong ito ay mas lalo itong naging makasaysayan.

Nang ilabas ng Professional Regulation Commission (PRC) ang resulta, hindi pa rin sila makapaniwala na may rank 7 na nagmula sa kanilang unibersidad sa katauhan ni Jane Ruth Fernandez.

--Ads--

Agad nilang ibinahagi ang magandang balita sa kanilang group chats sa campus, na itinuturing nilang makasaysayan para sa isang tinatawag na “cute,” “growing,” at patuloy na umuunlad na institusyon.

Ayon sa pamunuan, ang tagumpay na ito ay magsisilbing malaking inspirasyon sa mga estudyante ng ISU-Jones, patunay na posible ang pangarap na maging topnotcher kahit mula sa isang mas maliit na unibersidad.

Tinaguriang “Education at Your Doorstep” ang ISU-Jones dahil sa layunin nitong mailapit ang dekalidad na edukasyon sa mga bayan ng Jones at San Agustin, na nagbibigay ng oportunidad sa mga kabataang nangangarap.

Kung dati ay isinasagawa ng unibersidad ang “Panagyaman” program tuwing may mga nakakapasa sa Licensure Examination for Teachers (LET), ngayon ay mas pinalawak pa nila ang pagdiriwang bilang pasasalamat sa bagong milestone na naabot ng ISU-Jones.

Ayon sa pamunuan, magsasagawa sila ng motorcade mula San Agustin hanggang Jones bilang simbolo ng tagumpay at pasasalamat sa kauna-unahang topnotcher ng institusyon at sa patuloy na pag-angat ng kanilang performance sa LET.

Layunin ng aktibidad na ipakita hindi lamang ang selebrasyon ng tagumpay ng mga bagong guro kundi pati na rin ang pagkilala sa sama-samang pagsisikap ng mga estudyante, guro, at administrasyon ng unibersidad.

Samantala, itinuturing din itong mahalagang milestone para sa isusumiteng programa ng unibersidad para sa Level 4 Accreditation ng Association of Chartered Colleges and Universities in the Philippines (AACCUP) sa susunod na taon, kung saan umaasa silang maaprubahan ang kanilang sertipikasyon.

Ibinahagi rin niya ang isa sa kanilang magandang practice na nakatutulong sa paghahanda ng mga estudyante para sa LET, ang malakas na bayanihan sa loob ng campus.

Ayon sa kanila, kusang-loob na tumutulong ang mga estudyante mula first year hanggang third year sa mga graduating LET takers sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta at iba pang pangangailangan habang naghahanda sa pagsusulit.

Ipinagmalaki rin ni Dr. Bayan ang sistema sa campus, kung saan ang mga tumulong sa LET takers ay siya namang matutulungan sa mga susunod na batch kapag sila na ang kukuha ng board exam.

Pinasalamatan din nito ang LGU-Jones na laging nakaagapay sa kanila at nagbibigay ng tulong kung kinakailangan.

Dahil sa ganitong bayanihan, mas napapalakas ang diwa ng pagtutulungan, disiplina, at kolektibong paghahanda ng mga estudyante ng ISU-Jones, na malaki ang ambag sa kanilang magagandang performance sa LET sa mga nakalipas na taon.

Dahil sa milestone na ito, inaasahan ng unibersidad na mas mahihikayat pa ang mga kabataan na mag-enroll at magtiwala sa kakayahan ng ISU-Jones, lalo na ngayong mayroon na silang konkretong patunay ng tagumpay.