--Ads--

CAUAYAN CITY  – Pararangalan ng Pamahalaang Lokal ng Alicia, Isabela ang isang barangay kapitan na nagsauli ng napulot na bag na naglalaman ng 2 million pesos cash  para sa payroll ng mga empleado ng National Irrigation Administration (NIA).

Ang pararangalan ay si Barangay Kapitan Eldie Mariano ng Bantug Petines, Alicia, Isabela.

Inihayag ni Kapitan Mariano na habang patungo siya sa kanyang bukid kahapon  ay may dumaan sa irrigation canal na tatlong motorsiklo at ang huli ang nakalaglag sa bag.

Sinabi ng kapitan na labis siyang nagulat nang makita ang maraming pera na laman ng bag subalit hindi niya naisip na angkinin sapagkat  nakita niya sa loob ang payroll sheet.

--Ads--

Isinauli niya mismo ang bag sa naghanap na nagpakilalang kawani ng NIA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Joel Amos Alejandro ng Alicia, Isabela,  nagpatibay ng resolusyon ang Sangguniang Bayan bilang pagkilala sa ginawang kabayanihan ni Barangay Kapitan Mariano.

Natutuwa sila sa ipinakitang honesty o  katapatan  ng barangay kapitan at umaasa sila na tutularan ito ng iba.