
CAUAYAN CITY – Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan ang ilang benepisaryo ng TUPAD Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa San Pedro-San Pablo, Aurora, Isabela matapos bawasan ng kanilang barangay kapitan ang natanggap nilang pera para ibili ng gamit sa barangay hall.
Ayon kay Ginang Marie Lastima, isa sa nagrereklamo, kinausap siya noon ni Barangay Kapitan Jose Sadiwa na kumuha ng mga maglilinis para sa DOLE TUPAD.
Dahil 19 lamang ang kanyang nakuha ay dinagdagan ito ng kanilang kapitan ng anim para 25 silang lahat.
Aniya, nang babayaran na sila noong iJune 17, 2020 ay kinausap sila sa kanilang barangay hall at may limang inatasan para maningil ng Php700 bawat isa.
Noong June 24, 2020 ay ipinatawag sila ng kanilang barangay kapitan at pinapirma ng blangkong papel bilang attendance umano nila.
Pagkatapos nito ay may ini-attach ang kanilang barangay secretary na si Melchor Mendoza na nagsasaad na kusang loob nilang ibinigay ang naturang pera.
Iginiit ni Ginang Lastima na kung mayroon lamang ang naturang papel bago sila palagdain ay hindi nila ito pipirmahan.
Ayon umano kay Barangay Kapitan Sadiwa, ang pera ay ibibili ng water dispenser at pambili ng meryenda ng kanilang mga barangay tanod subalit wala naman umano silang natanggap.
Nagtanong siya sa isa sa kanilang barangay kagawad na si Kagawad Evangeline Ganela kung mayroon silang pondo at sinabi umano nitong mayroon.
Ayon kay Ginang Lastima, inilapit na nila ito sa 8888 gayundin sa DOLE.
Gayunman ay may tumawag sa kanya mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at sinabing ayusin na lamang nila ito sa kanilang munisipyo subalit nang magtungo sila sa tanggapan ng DILG sa kanilang bayan ay sinabihan lamang sila na matagal nang tapos ang naturang usapin.
Ayon naman kay Ginang Marilyn Soliven, isa rin sa mga nagrereklamo, limang araw silang naglinis subalit sa ikalimang araw ay pinakuha sila ng tatlong damit at nagpalit sila ng tatlong beses.
Aniya, dahil sa takot ay hindi sila nakapagreklamo.
Ang nais nila ngayon ay pagbayaran ng kanilang kapitan ang kanyang ginawa.
Samantala, kinumpirma ni Barangay Kagawad Evangeline Ganela na nagtanong sa kanya si Ginang Lastima kung may pondo ang kanilang barangay.
Sa katunayan ay 3.3 milyong piso ang kanilang Internal Revenue Allotment (IRA).
Dahil dito ay sinabihan niya sila na dapat ay nagreklamo ngunit nilinaw niya na hindi niya sila sinulsulan na gaya ng sinasabi ng kanilang barangay kapitan na pinupulitika nila ang naturang isyu.
Dagdag pa niya na sa kanyang pagtatanong sa kanyang kapatid na isang barangay tanod ay wala silang natanggap.
Ayon pa kay Kagawad Ganela, hindi nila alam ang ginawang ito ng kanilang barangay kapitan dahil saka na lamang sinabi nang tapos na.
Samantala, sinagot naman ni Kapitan Jose Sadiwa ang reklamo ng ilang kabarangay.
Aniya, kaya lamang siya inireklamo ni Ginang Lastima dahil ginamit siyang kasangkapan ng mga namumulitika sa kanya.
Nag-umpisa ito sa Social Amelioration Program o SAP dahil gusto umanong makakuha ng anak ni Ginang Lastima na mula sa Cabagan, Isabela.
Tinanong umano niya kung nakakuha na sila sa naturang bayan at sinabing hindi pa ngunit kalaunan ay umamin na may nakuha na sila.
Ayon kay Barangay Kapitan Sadiwa, ang mga nagrereklamo ay sinulsulan ni Kagawad Emilio Garonia at ginamit ang naturang isyu.
Iginiit niya na hindi naman sapilitan ang pagkuha niya sa naturang pera at tinanong pa niya ang mga benepisaryo dahil magsisilbi naman ito sa kanilang mga barangay tanod.
Gayunman ay pinabulaanan niya ang sinasabi ni Ginang Lastima na pinapirma sila ng blangkong papel subalit inamin niya na may pagkakamali siya sa pagkuha niya ng naturang pera.
Bukod dito ay inamin din niyang pinagpalit niya sila ng damit.
Ayon kay Kapitan Sadiwa, nasa 16,800 ang kanilang naibili dahil nagkakahalaga ng 3,900 ang water dispenser habang ang iba ay ibinili nila ng baso, gasolina at meryenda ng mga barngay tanod gayundin na ibinilhan niya ng alak ang kanilang mga barangay tanod.
Handa niyang harapin ang reklamo ng kanyang mga kabarangay kahit saan pa nila dalhin.
Samantala, pinabulaanan naman ni Barangay Kagawad Emilio Garonia ang paratang ni Kapitan Jose Sadiwa na sinulsulan niya ang mga nagrereklamo.
Giit niya na sinabihan lamang niya sila na tutulungan niya sila basta totoo ang kanilang reklamo.
Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Kalihim Silvestre Bello III ng DOLE, sinabi niya na hindi puwede ang ginawang ito ng naturang barangay kapitan.
Ibinibigay aniya ang naturang pera para matulungan ang mga nangangailangan.
Aniya, sinumang magkakaltas sa ibinibigay ng pamahalaan para sa mga nangangailangan ay makakasuhan.










