CAUAYAN CITY – Pinaghahanap na ang barangay kapitan ng Payac, Jones, Isabela matapos na barilin ang isang kawani ng Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO) ng Jones, Isabela.
Ang biktima ay si Emerson Mallabo, 30 anyos, may asawa, kawani ng MSWDO ng LGU Jones habang ang pinaghihinalaan ay si Barangay Kapitan Agustin Labugen, kapwa residente ng barangay Payac.
Batay sa mga nakakita sa pangyayari, nilapitan ni Mallabo si Labugen sa bahay ni Barangay Kagawad Narciso Viernes Jr. dala ang ilang dokumento.
Nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa ilabas ng suspek ang kanyang baril at paputukan sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan si Mallabo.
Agad namang dinala sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City si Mallabo habang tinutugis na ang suspek na agad tumakas pagkatapos ng pamamaril.