Isang ina sa Kentucky ang gulat na gulat nang matuklasang umabot sa 70,000 piraso ng lollipop ang inorder ng kanyang anak gamit ang kanyang cell phone na umabot sa halagang $4,200 (mahigit P240,000).
Ayon kay Holly LaFavers, residente ng Lexington, hindi niya inakalang makatatanggap siya ng 30 kahon ng Dum-Dum lollipops sa kanilang bahay. Ayon sa kanyang social media post, bawat kahon ay may lamang 2,340 piraso ng lollipop.
Ang kanyang anak na si Liam, isang Grade 2 student, ay inaming siya ang naglagay ng order habang nilalaro ang cell phone ng kanyang ina noong weekend. Sa presyong $130 bawat kahon, umabot sa $4,200 ang kabuuang halaga ng kanyang ‘di-inaasahang online purchase.
Sa una, pumayag ang Amazon na i-return at i-refund ang walong kahon. Dahil dito, sinubukan ni LaFavers na ibenta ang natitirang mga kahon sa mga kaibigan at kapitbahay.
Ngunit makalipas ang ilang pakikipag-ugnayan sa banko at mga media, kinumpirma ng Amazon na ibabalik nila ang lahat ng kanyang ibinayad.
Isang paalala ito sa maraming magulang na maging mas mapanuri sa paggamit ng mga bata sa mga gadget, lalo na’t konektado ito sa mga online shopping apps.