--Ads--

Hindi lahat ng Pilipino ay makatatanggap ng cash assistance sa ilalim ng panukalang Bayanihan 3 Act, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.

Ayon sa senador, nakatakdang maglaan ang pamahalaan ng pondo na mula P98 bilyon hanggang P406 bilyon para sa panukalang naglalayong makatulong sa mga Pilipinong matinding naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Gayunman, nilinaw ni Gatchalian na hindi lahat ay magiging benepisyaryo ng programa dahil target lamang nito ang mga sektor na itinuturing na pinaka-bulnerable.

Kabilang sa maaaring makatanggap ng ayuda ang mga magsasaka, mangingisda, sektor ng transportasyon, at ang tinatawag na “bottom 30 percent” o ang pinakamahihirap na bahagi ng populasyon.

--Ads--

Ayon pa sa senador, tinatayang makatatanggap ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng P1,500 hanggang P3,000 o maaaring umabot sa P4,000, depende sa antas ng kanilang kita.

Samantala, inihain naman ni Senadora Loren Legarda ang panukalang Bayanihan Power to the People Act o Bayanihan 3 na layong maglatag ng mga konkretong hakbang upang matugunan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa langis sa mga kabahayan at sa kabuuang ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Legarda, bagama’t nagpalabas na ng Executive Order No. 110 na nagdedeklara ng national energy emergency, nananatiling kulang ang agarang tulong para sa mga Pilipino.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na may tatlong pangunahing bahagi ang panukala. Una, ang pagtukoy sa posibleng pagmumulan ng pondo, kabilang ang realokasyon ng savings ng pamahalaan gaya ng ginawa noong kasagsagan ng pandemya.

Ikalawa, ang tinatawag na “pump priming”, o paghahanda ng pondo sakaling humina ang ekonomiya o magkaroon ng stagflation.

At ikatlo, ang pagbibigay ng subsidiya o direktang tulong pinansyal sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Dagdag pa ng senador, pinag-aaralan din ang posibilidad ng karagdagang relief measures, kabilang ang pansamantalang moratorium sa pagbabayad ng mga obligasyon sa mga ahensya tulad ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS), pati na rin sa iba pang government financial institutions.