Ipinatupad ng Bureau of Fire Protection (BFP) Santiago ang red alert status ngayong dry season upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente ng sunog at iba pang emergency sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP Jay-r Guillano, ang city fire marshall ng BFP Santiago, sinabi nito na mananatili ang red alert status hanggang Abril, kasabay ng inaasahang pagtaas ng insidente ng sunog dahil sa matinding init at nalalapit na summer vacation.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng red alert status ay mahigpit na ipinagbabawal ang pag-leave ng mga tauhan maliban sa emergency o seek leave upang masiguro na sapat ang puwersa ng BFP sa oras ng pangangailangan.
Kasabay nito, pinaiigting din ng BFP ang fire prevention campaign sa pamamagitan ng pamamahagi at paglalagay ng fire safety educational materials mula sa National Headquarters.
Nakatuon ang kampanya sa mga fire-prone at congested areas, gayundin sa mga establisyimentong dinarayo ng maraming tao gaya ng malls at ospital.
Nakikipag-ugnayan din ang tanggapan sa mga pribado at pampublikong establisyimento upang mailagay ang mga fire safety campaign materials sa mga kapansin-pansing lugar sa lungsod.
Naglalagay din ng mga tarpaulin sa mga firetruck upang mas maging visible ang kampanya sa tuwing nagsasagawa ng visibility at monitoring activities.
Samantala, pinaalalahanan ng BFP ang publiko na maging maingat sa paggamit ng kuryente at iba pang kagamitan na maaaring pagmulan ng sunog, lalo na ngayong panahon ng matinding init, at agad na iulat sa awtoridad ang anumang insidente upang maiwasan ang mas malaking pinsala.











