--Ads--

Umabot na sa 920 katao ang kumpirmadong nasawi sa magkakasunod na magnitude 7.2 at 7.5 na lindol na yumanig sa Venezuela nitong linggo, ayon sa mga opisyal. Mahigit 3,300 katao rin ang sugatan habang patuloy ang paghahanap sa libu-libong nawawala sa mga lugar na matinding naapektuhan ng sakuna.

Matatandaan na niyanig ng magnitude 7.2 at 7.5 na lindol ang bansa noong Miyerkules, na naganap nang wala pang isang minutong pagitan. Mula sa naunang bilang na 589, patuloy na tumataas ang death toll habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga biktimang posibleng naipit sa mga gumuhong gusali.

Ayon sa United Nations, mahigit 50,000 katao ang nawawala matapos ang sakuna. Patuloy namang nagsasagawa ng search and rescue operations ang mga bumbero, sundalo, at mga volunteers sa mga lugar na matinding naapektuhan, partikular sa estado ng La Guaira.

Kabilang sa mga pinakamalubhang nasira ang mahigit 250 gusali, walong ospital, gusali ng Venezuelan Red Cross, at maging ang embahada ng France. Maraming residente ang nawalan ng tirahan at napilitang magpalipas ng gabi sa mga lansangan matapos gumuho o ideklarang hindi na ligtas ang kanilang mga tahanan.

--Ads--

Dumating na rin ang tulong mula sa iba’t ibang bansa. Nagpadala ang Estados Unidos ng mga barkong pandigma, eroplano, helicopter, at humigit-kumulang $150 milyong halaga ng humanitarian aid. Nagpadala rin ng mga rescue team at relief supplies ang ilang bansa sa Europa at Latin America upang tumulong sa patuloy na operasyon sa Venezuela.

Habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala, nangangamba ang mga awtoridad na maaari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi sa mga susunod na araw.

Pinakamalubhang tinamaan ang lalawigan ng La Guaira, kung saan mahigit 100 gusali ang gumuho. Dumating na rin ang mga international rescue team mula sa iba’t ibang bansa upang tumulong sa search-and-rescue operations.