--Ads--

Umabot na sa 6,125 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi matapos ang magkahiwalay na malalakas na lindol na tumama sa Venezuela noong Hunyo, ayon sa pinakahuling ulat ng pamahalaan.

Sa pahayag na inilabas ni National Assembly President Jorge Rodriguez, sinabi nitong mahigit 61,000 katao na rin ang nabigyan ng medikal na atensyon sa mga ospital matapos ang kalamidad.

Ang updated na bilang ng mga biktima ay inilabas sa gitna ng tumitinding kritisismo laban sa pamahalaan ni interim President Delcy Rodriguez dahil sa umano’y mabagal at kulang na pagtugon sa sakuna.

Matapos ang mga lindol, maraming residente ang nagpahayag ng pagkadismaya sa gobyerno at militar dahil sa anila’y kakulangan ng agarang tulong habang patuloy nilang hinahanap ang kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.

--Ads--

Naganap ang magnitude 7.2 at magnitude 7.5 na lindol noong Hunyo 24 kung saan pinakamalubhang naapektuhan ang baybaying estado ng La Guaira at ang kabisera ng bansa na Caracas.

Ayon pa kay Rodriguez, nasa 16.5 porsyento pa lamang ng mga guho at debris ang nalilinis ng mga awtoridad, habang nananatiling malaking hamon ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong komunidad.

Batay sa pagtataya ng World Bank, umabot sa halos 20 bilyong dolyar ang halaga ng pinsala sa mga imprastraktura at iba pang pasilidad na dulot ng mga lindol.

Bagama’t nagpaabot ng tulong at suporta ang ilang bansa matapos ang sakuna, nananatiling hindi malinaw kung saan magmumula ang malaking pondong kinakailangan para sa rehabilitasyon ng mga nasalantang lugar.

Samantala, nanawagan ang ilang grupo na luwagan o tuluyang alisin ang natitirang economic sanctions ng Estados Unidos laban sa Venezuela upang mapadali ang pagpasok ng tulong at pondo para sa muling pagbangon ng bansa.