Matapos ma-ban sa Pilipinas noong 2024, napaulat na muling papasok sa bansa ang Binance, ang pinakamalaking crypto exchange sa mundo, ngunit hindi na sa sarili nitong pangalan.
Ayon sa ulat, dadaan umano ang operasyon nito sa BlockShoals Technologies Inc., isang lokal na fintech company na ngayon ay iniimbestigahan dahil sa mga umano’y koneksyon sa ilang personalidad na may kaugnayan kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Batay sa mga dokumentong nakalap ng Bilyonaryo, 60% ng BlockShoals ay kontrolado umano ng MNM Capital OPC ni Nicholas Anthony “Nick” Te, anak ng Philippine Stock Exchange director Anthony Te. Si Te ay nauugnay rin umano sa mga board ng Marcventures Holdings at Benguet Corporation na may koneksyon kay Romualdez.
Isa pa sa mga personalidad na nabanggit ay si Raymund Christopher Cuesico, treasurer at shareholder ng BlockShoals, na may 32% stake sa Libertad Value Holdings Inc., isang shareholder ng Strong Built Mining Development Corp. Ang naturang mining firm ay dati nang pumasok sa share-swap deal noong 2024 sa Bright Kindle Resources & Investments Inc., na may naiulat ding koneksyon kay Romualdez.
Kabilang din umano sa mga shareholder ng BlockShoals ang Nautilus International Management Corp. ng pamilya Te at Axion Holdings OPC, na may tig-20% na bahagi sa kumpanya.
Ayon sa isang impormante, ang BlockShoals ay kontrolado ng pamilya Te at walang direktang pagmamay-ari si Romualdez sa naturang kumpanya.
Samantala, matagal nang binabatikos ang Binance sa ibang bansa matapos umamin sa Estados Unidos noong 2023 sa paglabag sa anti-money laundering laws at pagbabayad ng $4.3 bilyong multa.
Sa Pilipinas, ipinatigil ng Securities and Exchange Commission ang operasyon nito at ipinag-utos ang pag-block sa access ng platform sa mga internet providers at app stores.
Ngayon, sinasabing sinusubukan nitong makabalik sa bansa sa ilalim ng SEC StratBox framework sa pamamagitan ng BlockShoals.
Para sa ilang kritiko, hindi na lamang ito usapin ng cryptocurrency, kundi kung bakit ang pagbabalik ng Binance ay dumaraan sa mga kumpanyang inuugnay sa mga personalidad na lumitaw sa mga brokerage at mining deals na may kaugnayan kay Romualdez.











